Ipinapanukala ni TRABAHO Party-list Representative Johanne Bautista na isabatas ang pagbibigay ng calamity pay sa mga manggagawang kailangang pumasok sa trabaho sa kabila ng kalamidad at masamang panahon.
Sa House Bill No. 4435 o Calamity Pay Law, itinatakda ang karagdagang 30% calamity premium bukod sa regular na sahod ng mga empleyado sa pampubliko at pribadong sektor.
Ayon sa mambabatas, maraming manggagawa ang napipilitang lumusong sa malalim na baha at magtiis sa masamang panahon dahil ayaw nilang mabawasan ang sahod o mapatawan ng parusa ng kanilang employer.
Kabilang dito ang mga biyahero na nakaranas ng matinding pagbaha at sama ng panahon dahil sa enhanced Habagat at mga bagyong Luis, Maymay at Neneng.
Sa ilalim ng panukala, ipagkakaloob ang calamity pay kapag isinailalim sa state of calamity ang lugar, nakataas ang Typhoon Signal No. 3 o may Red Rainfall Warning, may work suspension, o matinding naapektuhan ng kalamidad.
Hindi naman sakop ng calamity pay ang mga manggagawang likas na tungkulin ang pagtugon sa kalamidad at emergency, gayundin ang mga retail at service establishment na regular na may mas mababa sa 10 empleyado.
May nakalaang proteksiyon din laban sa disciplinary action at pagbabawas ng sahod sa mga manggagawang hindi makapasok dahil sa kalamidad o masamang panahon.
Ang mga lalabag ay maaaring mahaharap sa ₱100,000 na multa, pagkakakulong ng anim na buwan hanggang isang taon, at hindi pag-renew ng business permit.