Nasa ₱802 million na pondo ang inilaan ng pamahalaan para sa pagkuha ng 2,021 bagong guidance counselor sa mga pampublikong elementarya at high school sa ilalim ng panukalang 2027 national budget.
Ayon kay House Minority Leader at 4Ps Party-list Representative Marcelino Libanan, layunin nitong palakasin ang mental health services ng Department of Education (DepEd).
Sakop ng pondo ang 1,800 bagong School Counselor Associate I at 221 School Division Counselor positions.
Sinabi ni Libanan, na mahalaga ang guidance counselors sa pagtukoy at pagtugon sa mga estudyanteng nakararanas ng emotional, behavioral o psychological difficulties.
Napapanahon aniya ang dagdag na personnel dahil sa lumalaking pangamba sa bullying, mental health ng mga estudyante, at banta ng karahasan sa mga paaralan.
Partikular na ang insidente ng pamamaril sa loob ng eskuwelahan sa Zamboanga, kamakailan.
Kasabay nito, hinikayat din ni Libanan ang mga pribadong elementarya at high school na dagdagan ang kanilang pamumuhunan sa professional guidance at counseling services.
Binigyang-diin niya na kailangang palakasin hindi lamang ang physical security ng mga paaralan kundi pati ang emosyonal at psychological support sa mga estudyante upang maiwasan ang mga krisis.