Sumang-ayon ang House prosecution team na tatalima sila sa ‘sub judice rule’ ng Senate Impeachment Court.
Kasabay nito, nanawagan sila ng “flexibility” sa pagpapatupad nito upang malabanan ang kumakalat na maling impormasyon kaugnay ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sinabi ni prosecutor at Manila Rep. Joel Chua, na buo ang kanlang respeto sa impeachment court, sa mga senador-judge, at kay dating Senate President Chiz Escudero bilang presiding officer.
Binigyan diin ni Chua, na Iba ang impeachment trial sa ordinaryong kaso sa korte dahil sangkot dito ang pampublikong pondo.
Nangangamba din si Chua na kung ganap na pagbabawalan ang magkabilang panig na magsalita, mahihirapan silang tutulan ang mga kumakalat na fake news, kabilang ang mga na-edit, at “spliced” na video sa social media.
Una nang inihayag ng mambabatas na mabigyan ng espasyo ang ilan sa mga media sa loob ng Senate plenary hall upang direktang maiulat sa publiko ang mga totoong kaganapan at ebidensyang iniharap ng prosecution at defense.
Inaasahang maglalabas ng malinaw na alituntunin ang Senado ukol sa limitasyon ng mga pampublikong pahayag habang nagpapatuloy ang paglilitis.