Nilagdaan ng Department of Migrant Workers o DMW Regional Office XI at mga Local Government Unit o LGU sa Davao Region ang isang Memorandum of Agreement upang palakasin ang proteksyon at paghahatid ng serbisyo sa Overseas Filipino Workers o OFWs at kanilang pamilya.
Isinagawa ngayong araw sa Davao City ang ceremonial signing na nilahukan ng mga kinatawan mula sa mga lalawigan ng Davao del Sur at Davao Oriental, Digos City, at mga munisipalidad mula sa iba’t-ibang bahagi ng rehiyon.
Sa ilalim ng kasunduan, palalakasin ang koordinasyon ng DMW at mga LGU sa pagpapatupad ng mga programa para sa welfare, protection at empowerment ng migrant workers.
Kabilang dito ang kampanya laban sa illegal recruitment at human trafficking, information dissemination, capacity-building activities, reintegration at livelihood assistance, at iba pang support services para sa mga OFW at kanilang pamilya.
Bahagi rin ng partnership ang pagtatatag ng dedicated OFW Help Desks na pangangasiwaan ng trained PESO personnel upang mas madaling maiugnay ang migrant workers sa DMW at OWWA para sa kinakailangang tulong.
Ayon kay DMW XI Labor Attaché II at OIC-Assistant Regional Director Marie Rose Escalada, mahalaga ang pakikipagtulungan sa mga LGU dahil hindi kayang maabot ng DMW nang mag-isa ang bawat komunidad at pamilyang nangangailangan ng serbisyo.
Binigyang-diin ni Escalada na ang kasunduan ay hindi lamang ceremonial signing kundi isang konkretong commitment upang mailapit sa grassroots level ang proteksyon ng pamahalaan para sa mga OFW.