Photo courtesy of Department of Labor and Employment
Pinagtibay ng Pilipinas at Malaysia ang kanilang kooperasyon sa mga prayoridad ng ASEAN sa paggawa at empleyo.
Pinangunahan ni DOLE Undersecretary Carmela Torres ang delegasyon ng Pilipinas sa bilateral meeting kay Dr. Haji Mohd Shaharin bin Umar, Deputy Secretary General ng Malaysia Ministry of Human Resources, sa sidelines ng 22nd ASEAN Senior Labour Officials Meeting o SLOM sa Dusit Thani Bangkok.
Tinalakay ng dalawang bansa ang posibleng pagtutulungan sa green jobs, platform economy, skills development, at renewable energy, para makalikha ng mas maraming oportunidad sa trabaho para sa mga Pilipino.
Humingi rin ang Pilipinas ng suporta sa Malaysia sa mga pangunahing ASEAN labor outcome documents tungkol sa labor market at social resilience, patas at etikal na recruitment, occupational safety and health sa informal economy, at labor inspection sa fishing sector.
Inimbitahan din ng Pilipinas ang Malaysia sa 2026 ASEAN Green Jobs Forum, na iho-host ng bansa.
Nagpalitan din ng karanasan ang dalawang panig sa workforce transition, kabilang ang energy transition roadmap ng Malaysia at batas nito para sa gig workers. Samantala, nagpahayag ang Malaysia ng interes na bumuo ng partnership agreements para sa recruitment at deployment ng domestic workers.
Muling pinagtibay ng Pilipinas at Malaysia ang kanilang matibay na partnership at commitment na palakasin ang ASEAN cooperation sa labor at employment.