Hindi humihinto ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pagbibigay ng augmentation support at iba pang kinakailangang tulong sa mga labis na naapektuhan ng serye ng mga bagyo at malakas na Habagat.
Sa panayam ng programang BOSES kay DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, sinabi nitong pumalo na sa mahigit ₱1.2 billion ang halaga ng humanitarian assistance na naipaabot ng pamahalaan bunsod ng masamang panahon.
Base naman sa tala ng DSWD, pumalo na sa 1.9 million family food packs na ang naipamahagi sa mga apektadong lugar gayundin nakapamahagi na ng ready-to-eat food boxes, non-food items, at hygiene kits.
Ang halaga naman ng financial assistance na naipamahagi ng DSWD, sumampa na sa ₱14.3 million.
Nananatili umano ang commitment ng DSWD na agad matugunan ang pangangailangan ng bawat Pilipinong apektado ng kalamidad, upang maiwasan na sila ay bumaba pa sa below poverty threshold na labis namang makaka-apekto sa kanilang pamumuhay.