Nilinaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na hindi kailangang magpakita ng certificate of indigency ang mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad para makatanggap ng humanitarian assistance at disaster relief.
Ayon kay DSWD Spokesperson Asec. Irene Dumlao, tungkulin na ng mga lokal na pamahalaan na tukuyin at beripikahin ang bilang ng mga pamilyang naapektuhan sa kanilang nasasakupan.
“Kung matatandaan natin, ang local government units ang frontline in service delivery, sila nga po yung nangunguna na nagbibigay ng tulong sa kanila pong mga nasasakupan na naapektuhan ng mga iba’t ibang mga kalamidad kaya mahalaga na mayroon po silang datos [ng] bilang ng mga apektadong pamilya para matukoy natin kung ano yung tulong, sino yung mga tutulungan,” ayon sa DSWD spokesperson.
Sa ngayon, umabot na sa mahigit ₱1.2 bilyon ang halaga ng humanitarian assistance na naipamahagi ng DSWD sa mga komunidad na naapektuhan ng pinalakas na Habagat at mga Bagyong Luis, Maymay at Neneng.