Photo courtesy of Department of Transportation
Kinilala ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang Department of Transportation (DOTr) bilang Outstanding BSP Stakeholder para sa Automated Fare Collection System (AFCS) Project sa isinagawang 2026 BSP Stakeholders Appreciation Ceremony noong Agosto 10, 2026.
Layunin ng proyekto na gawing mas mabilis, maginhawa at episyente ang pagbabayad ng pasahe sa pampublikong transportasyon, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palawakin ang paggamit ng digital payment systems sa mga transport network sa bansa.
Kabilang sa mga ipinatutupad na inisyatiba ang tap-to-pay gamit ang EMV credit at debit cards at NFC-enabled devices, gayundin ang scan-to-pay gamit ang QR technology sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) at Light Rail Transit Line 2 (LRT-2).
Ayon kay Transportation Secretary Banoy Lopez, malaking tulong ang cashless payment system sa mga commuter dahil nababawasan nito ang mahabang pila sa mga istasyon at napapadali ang araw-araw na pagbiyahe.
Aniya, layunin ng DOTr na maibigay sa mga Pilipino ang mas mabilis, maginhawa at komportableng serbisyo sa pampublikong transportasyon habang inuuna ang kapakanan ng mga commuter.
Samantala, nagpahayag naman ng pasasalamat si DOTr Undersecretary for Railways Timothy John Batan sa BSP at tiniyak ang patuloy na suporta ng kagawaran sa pagsusulong ng interoperable, inclusive at makabagong digital payment system sa pampublikong transportasyon.
Ang parangal ay tinanggap nina DOTr AFCS Program Office Interim Lead Architect Bryan Matthew Anacion at Information Technology Officers Anna Ruth Ang at Jason Posadas.