Nagsama-sama ang mga convenor, miyembro, partners, at resource persons ng Mayors for Good Governance (M4GG) sa pagdiriwang ng ikatlong anibersaryo ng Good Governance Summit and General Assembly.
Layon ng buong-araw na pagtitipon na talakayin ang mabuting pamamahala, mahusay na pamumuno at tapat na paglilingkod sa publiko, gayundin ang pagsusulong ng good governance sa mga lokal na pamahalaan.
Nagsilbing co-hosts ng programa sina Negros Occidental Third District Rep. Javier Miguel L. Benitez at Rep. Agatha Paula Cruz.
“We are grateful for the opportunity to stand with M4GG on its third anniversary. This is a room full of leaders who chose the harder, more accountable way to lead, and that work deserves every bit of support we can give it. Good governance is not an aspiration. It is a standard, and these mayors are proving it is possible,” pahayag ni Benitez.
Itinatag noong Agosto 2023, ang M4GG ay isang non-profit na kilusan na binubuo ng mahigit 100 lokal na punong ehekutibo na nagsusulong ng mga reporma, paglaban sa korapsyon, at transparent, accountable at citizen-centered governance.
Kabilang sa mga inisyatiba ng M4GG ang Report Infra, isang channel kung saan maaaring magsumbong ang mga mamamayan at stakeholder tungkol sa mga pinaghihinalaang ghost projects, overpriced o substandard na infrastructure projects.
Isinusulong din ng grupo ang mas malawak na public access sa impormasyon tungkol sa national budget at sinuportahan ang pagtaas ng pondo para sa Local Government Support Fund, na umabot na sa ₱57 bilyon.
Nagbukas ang summit sa pamamagitan ng opening remarks ni Daniela Braun ng KAS Philippines at welcome remarks ni M4GG President at Quezon City Mayor Joy Belmonte.
Sa ikalawang panel discussion, tinalakay naman ang pagsasalin ng mga prinsipyo ng good governance sa aktuwal na gawain. Tampok dito sina M4GG Chairperson at Baguio City Mayor Benjie Magalong, Mayor Belmonte, Isabela City Mayor Sitti Hataman at Pasig City Mayor Vico Sotto.
Nagtapos ang summit sa ulat mula sa M4GG National Secretariat at isang Commitment Ceremony, kung saan muling pinagtibay ng mga kasaping alkalde ang kanilang pangako na unahin ang kapakanan ng mamamayan, responsableng pamahalaan ang mga pampublikong yaman, itaguyod ang pakikilahok ng publiko, panindigan ang rule of law, at mamuno nang may integridad at transparency.