Bubuo ang Office of the Ombudsman ng isang komiteng tututok sa pagbabantay sa budget at kung paano ginagastos ang pondo ng bayan.
Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla, kabilang sa tungkulin ng komite ang pagtanggap ng mga reklamo mula sa publiko sakaling magkaroon ng pagmamalabis sa paggamit ng pondo ng pamahalaan.
Kasunod ito ng paglilinaw ni Remulla sa kanyang naging pahayag na tila wala nang maaasahan ang taumbayan sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sinabi ni Remulla na nakabatay ang kanyang pahayag sa matagal niyang karanasan sa pamahalaan at sa mga nakita niyang problema sa pagtatayo ng mga government building.
Binigyang-halimbawa niya ang Bureau of Immigration building na aniya ay umabot sa halos P8 bilyon ang gastos at tumagal ng 12 taon bago matapos, ngunit mayroon pa ring problema sa driveway at parking area.
Iginiit ni Remulla na kailangang mahigpit na bantayan ang mga proyekto laban sa graft, kickback at substandard na konstruksyon upang hindi masayang ang pera ng taumbayan.
Dapat din aniyang maayos na napaplano ang mga proyekto at nasusunod ang regional development plans upang matiyak na responsable at episyente ang paggamit ng pondo ng gobyerno.