Iginiit ni Defense Secretary Gilbert Teodoro ang pangangailangang palakasin ang mga programa para sa kapakanan ng mga beterano, partikular na ang mga retiradong sundalong nasa katandaan na at nangangailangan ng mas malaking suporta sa kalusugan at pang-araw-araw na gastusin.
Sa interpellation ni SWERTE Party-list Representative Arlyn Ayon, sinabi ni Teodoro na dapat pag-aralan ang paghiwalay o pag-decouple ng pension ng mga beterano sa sweldo ng mga aktibong tauhan ng Armed Forces of the Philippines o AFP.
Ayon kay Teodoro, bahagi ito ng kompromiso sa mga beterano kung saan itataas ng limang porsiyento bawat taon sa loob ng tatlong taon ang kanilang pension, o kabuuang 15 porsiyento hanggang 2028.
Iginiit din ni Teodoro, na hindi dapat basta isama ang AFP retirees sa pension system ng iba pang uniformed services dahil ang AFP ay isang pambansang puwersa na walang ibang ahensiya o lokal na pamahalaang nagbibigay ng subsidy.
Sinabi rin ng kalihim, na target nilang mailunsad bago matapos ang taon ang unang hospice para sa matatandang beteranong wala nang matitirahan at napipilitang manatili sa mga ospital dahil walang ibang mapagdalhan.
Kabilang din sa binibigyang-diin ni Teodoro ang preventive health care para sa mga aktibong sundalo upang maagapan ang mga sakit gaya ng heart disease, diabetes, at stroke na maaaring lumala pagsapit ng kanilang pagreretiro.
Kabuuan ₱324.632 billion ang panukalang budget ng DND sa 2027. Bahagi nito ang ₱82.289 billion na pension and gratuity fund para sa mga beterano at AFP pension.