Naniniwala ang Defense Team ni Vice President Sara Duterte sa Impeachment Trial na may sariling “game plan” ang Prosekusyon kaya hindi nila kukwestyunin kung bakit hindi agarang pinatawag bilang testigo si Col. Raymund Lachica.
Sa isang pulong-balitaan sinabi ni Atty. Michael Poa hindi niya masasabi na nagdadalawang-isip ang prosekusyon kaya hindi mapatawag si Lachica pero maaaring kasama ito sa kanilang estratehiya.
Matatandaan na kahapon tinanong ng mga senator-judges kung ipapatawag ba sa Impeachment Court si Colonel Lachica dahil paulit-ulit na sinabi ni Special Disbursing Officer Gina Acosta na ipinagkatiwala niya kay Lachica ang Confidential Funds sa kada encashment o withdrawal.
Si Lachica din ang nagbibigay ng acknowledgement receipts at nagbibigay ng financial plan kay Acosta kung paano gagastahin ang Confidential Funds ng Office of the Vice President.
Sa ngayon naman hindi rin masagot pa ng Depensa kung gagamitin din ba nila bilang testigo si Lachica sa paglilitis.