May posibilidad na mas madagdagan pa ang mga itinayong security checkpoint sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) habang papalapit ang Bangsamoro Parliamentary Elections (BPE).
Ayon kay Commission on Elections (Comelec) Spokesperson John Rex Laudiangco, umabot na sa halos 25,000 ang checkpoints sa buong rehiyon mula sa dating 18,000. Nilinaw ng opisyal na ang malawak na sakop ng BARMM ang pangunahing dahilan sa mataas na bilang na ito.
Ipinahayag din ni Laudiangco na patuloy ang imbestigasyon kaugnay ng nangyaring ambush kay BARMM Chief Minister Abdulraof Macacua sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte. Bagama’t itinuturing ito bilang isang election-related incident, umaasa ang komisyon na mananatili itong hiwalay na insidente.
Kasabay nito, muling nagpaalala ang Comelec sa publiko hinggil sa mahigpit na pagpapatupad ng gun ban sa buong rehiyon.
Nasa 15 indibidwal na ang nahuli at mahigit 20 baril ang nasamsam sa mga checkpoint. Lahat ng nahuli ay isinailalim na sa inquest proceedings para sa pagsampa ng kasong paglabag sa Section 32 ng Republic Act 7166 o Synchronized Election Act.
Nagbabala ang Comelec na ang paglabag sa gun ban ay may parusang pagkakulong ng isa hanggang anim na taon, pagkawala ng karapatang bumoto, at permanenteng diskwalipikasyon sa paghawak ng anumang posisyon sa pamahalaan.
Para sa gabay hinggil sa alituntunin sa halalan, mga balita, o anunsyo ukol sa botohan, bisitahin ang opisyal na portal ng Commission on Elections (COMELEC).