Pinagtibay ng Korte Suprema na hindi maaaring pilitin ang isang kliyente na ibalik ang perang maling naisalin o na-credit sa kanyang account bago ang opisyal na clearing ng tseke, lalo na kung ang pagkakamali ay sanhi ng matinding kapabayaan ng mismong bangko.
Sa desisyon ng Third Division ng Kataas-taasang Hukuman, ibinasura nito ang petisyon ng BDO Unibank, Inc. na piliting paibalik ang perang na-withdraw ng isang depositor sa paniniwalang sadyang sa kanya ito (good faith). Binigyang-diin ng hukuman na bilang isang institusyong may malaking pananagutan sa publiko, obligasyon ng mga bangko na magpatupad ng pinakamataas na antas ng pag-iingat (highest degree of diligence).
“Ang paglalabas ng pondo mula sa isang pumasok na tseke bago ang tamang clearance at ang pagbalewala sa mga umiiral na pamamaraan sa pagbabangko ay mababa sa pamantayang ito,” ayon sa Korte Suprema.
Nag-ugat sa maling oryentasyon ng tseke
Nagmula ang usapin noong Setyembre 17, 2003, nang magdeposito ang kliyenteng kinilalang si “C” (Barcellano) ng isang regional check na nagkakahalaga ng ₱151,200 mula sa Albay branch ng Land Bank of the Philippines sa kanyang savings account sa BDO Lucena City branch.
Nagkaroon ng pagkakamali ang teller ng BDO nang itala nito ang tseke bilang local sa halip na regional. Dahil dito, naging available ang pera pagkaraan lamang ng tatlong araw sa halip na pitong araw na kinakailangan para sa regional clearing.
Dahil pumasok na ang pondo, nag-withdraw si Barcellano ng ₱76,000 noong Setyembre 23, 2003. Subalit pagkatapos nito, nakatanggap ang BDO ng stop payment order para sa nasabing tseke at agad na hiningi kay Barcellano na ibalik ang pondo.
Nang tumanggi si Barcellano, pinigilan ng BDO ang pag-release sa natitira pa nitong balanse at naghain ng kasong criminal para sa estafa.
Pinabulaanan ang ‘Unjust Enrichment’
Pinawalan-sala ng Regional Trial Court (RTC) si Barcellano at sinabing ang maagang pag-withdraw ay bunga ng sariling kapabayaan ng BDO, desisyong kinatigan din ng Court of Appeals (CA).
Umapela ang BDO sa Korte Suprema ukol sa sibil na aspeto ng kaso. Argumento ng bangko, dapat pa ring ibalik ang pera sa ilalim ng prinsipyong solutio indebiti o unjust enrichment—kung saan walang karapatan ang isang tao na magtago ng pakinabang o pondo na nakuha nang dahil lamang sa pagkakamali.
Subalit ayon sa SC, nabigo ang BDO na patunayang may masamang layunin ang kliyente. Walang naipakitang ebidensya ang BDO na alam ni Barcellano na matatalbog o mapapahinto ang tseke nang i-withdraw niya ang pera.
Idiniin ng Korte Suprema na ang matinding kapabayaan (gross negligence) ng BDO sa hindi pag-obserba sa mga pangunahing alituntunin sa pagproseso ng tseke ang tunay na dahilan ng kanilang pagkalugi, kaya hindi ito maaaring ipasa sa kliyenteng kumilos nang may malinis na intensyon.