Hinikayat ng Department of Agriculture ang publiko na bawasan ang pagtatapon ng kanin bilang bahagi ng pinaigting na Be RICEponsible campaign.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., tinatayang dalawang kutsarang kanin ang nasasayang ng bawat Pilipino kada araw.
Katumbas ito ng 10.85 milyong sako ng bigas, na nagkakahalaga ng tinatayang ₱24.4 bilyon kada taon.
Sinabi ng kalihim na maaaring pakainin ng nasasayang na bigas ang tinatayang 5.17 milyong Pilipino sa loob ng isang taon.
Hinihikayat din ang publiko na bumili ng lokal na bigas at pumili ng mas masustansiyang uri nito, kabilang ang brown at low-glycemic rice.
Layunin ng Be RICEponsible campaign na gawing pang-araw-araw na gawi ang responsableng pagkonsumo ng bigas upang mabawasan ang food waste at makatulong sa food security ng bansa.