Mas maraming kabataang Pilipino ang makikinabang sa DOST scholarship programs sa 2027, matapos itaas ng administrasyong Marcos ang panukalang pondo nito sa ₱8.67 bilyon.
Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), nasa 67,504 scholars ang susuportahan sa ilalim ng panukalang 2027 national budget, mas mataas ito ng 2,407 scholars, o 3.70 porsiyento, kumpara sa 65,097 scholars na pinondohan ngayong 2026.
Sinabi ni DBM Acting Secretary Kim Robert De Leon na bahagi ito ng patuloy na pamumuhunan ng pamahalaan sa talento ng mga Pilipino, partikular sa science, technology, engineering, research, at innovation.
Sa kabuuang pondo, ₱7.55 bilyon ang ilalaan sa DOST-Science Education Institute (SEI) para sa undergraduate at graduate scholarships, gayundin sa advanced specialized training.
Samantala, ₱1.12 bilyon ang nakalaan para sa Philippine Science High School System upang ipagpatuloy ang specialized secondary education sa Science, Technology, Engineering, and Mathematics o STEM.
Layunin ng programa na palakasin ang susunod na henerasyon ng mga Pilipinong scientist, engineer, researcher, at innovator na makatutulong sa mga larangan tulad ng agrikultura, kalusugan, disaster resilience, digital transformation, at industriya.
Binigyang-diin naman ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mahalaga ang mga Filipino scientist, researcher, at innovator sa technological transformation ng bansa, lalo na sa pagsusulong ng innovation, national competitiveness, at mga solusyon sa mahahalagang hamon ng Pilipinas.
Ang panukalang pondo ay bahagi ng mas malawak na hakbang ng pamahalaan upang palakasin ang science, technology, at innovation ecosystem ng bansa, habang hinuhubog ang talentong gagawa ng mga siyentipikong tuklas tungo sa praktikal na solusyon at oportunidad para sa ekonomiya.