Photo courtesy | Presidency of the Syrian Arab Republic / X
Pormal nang tinanggal ng Estados Unidos ang bansang Syria sa listahan ng mga estadong nakatalaga bilang sponsor ng terorismo.
Ayon sa United States Treasury Department, naging epektibo na ang pagtanggal matapos na lumampas sa 45 araw ang congressional review period.
Ang proseso ay gumana buhat nang pormal na abisuhan ni U.S. President Donald Trump ang kongreso na binabawi na nito ang designation noong Hulyo 8.
Sa bukod na pahayag, kinilala ni U.S. Secretary of State Marco Rubio ang mga hakbanging ginawa ng pamahalaan ni Syrian President Ahmed Al-Sharaa upang mailayo ang kanilang bansa mula sa international terrorism.
Malugod namang tinanggap ng Damascus ang hakbang na anila’y muling mag-uugnay sa kanilang bansa sa pandaigdigang financial system, makahikayat ng pamumuhunan, at masuportahan ang kanilang pagbangon mula sa 14 na taong digmaan.
1979 nang unang maitalaga ang Syria sa listahan mula sa umano’y pagsuporta nito sa mga militanteng grupo.
Dahil sa pagkakatanggal ng Syria, tanging ang Cuba, Iran, at North Korea na lamang ang natitira sa nasabing listahan.