Malaking ginhawa para sa mga pamilyang nawalan ng kita dahil sa kalamidad ang pansamantalang trabaho at kita na naibibigay sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD Program ng Department of Labor and Employment (DOLE), ayon kay Dagupan City Mayor Belen Fernandez.
Sinabi ni Fernandez na partikular na malaking bagay ang programa para sa mga manggagawang ilang araw o linggo nang hindi makapagtrabaho dahil sa pagbaha at iba pang epekto ng kalamidad.
Ayon sa alkalde, kapag tuluyang nawawalan ng kita ang isang pamilya, pagkain para sa mga anak ang isa sa pinakamabigat na problema. Kaya malaking tulong umano ang ₱5,000 na maaaring matanggap ng mga benepisyaryo sa ilalim ng programa.
Binigyang-diin ng alkalde na hindi lamang simpleng ayuda ang TUPAD dahil nabibigyan nito ang mga apektadong manggagawa ng pagkakataong kumita sa pamamagitan ng marangal na trabaho habang nakatutulong sa mga gawain para sa pagbangon ng kanilang komunidad.
Sa datos ng Public Employment Service Office (PESO) Dagupan, 575 benepisyaryo mula sa 31 barangay at mga paaralan sa lungsod ng Dagupan ang kabilang sa programa.
Kabilang sa mga posibleng gawin ng mga benepisyaryo ang paglilinis ng mga paaralan, creek at ilog, gayundin ang clearing operations at iba pang kinakailangang gawain matapos ang pagbaha.
Sinabi pa ng alkalde na prayoridad sa programa ang mga manggagawa sa transportasyon, construction at pangingisda na pansamantalang naapektuhan ang kabuhayan, gayundin ang ilang magulang at katuwang sa mga paaralan.
Samantala, nagpahayag ng pasasalamat si Fernandez sa ahensya sa patuloy nitong suporta sa mga Dagupenong nangangailangan ng pansamantalang pagkakakitaan, lalo na sa panahon ng kalamidad. Aniya, mahalaga ang mabilis na pagtugon ng DOLE dahil ang mga napiling benepisyaryo ay nangangailangan ng agarang tulong upang matugunan ang pangunahing pangangailangan ng kanilang pamilya.