Sinisilip na ng Ombudsman ang Davao City bilang posibleng “epicenter” ng umano’y ecosystem ng korapsyon sa flood control projects lalo at malaking pondo ang ibinuhos dito noong nakaraang adminsitrasyon.
Tugon ito sa pagtatanong ni ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio, kung ano na ang ginagawa nito para imbestigahan ang mga flood control issue na naganap noong nakaraang administrasyon.
Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla, mahirap pasukin at kumuha ng impormasyon sa naturang network dahil marami ang ayaw magsalita, ngunit patuloy aniyang nangangalap ng ebidensya ang Ombudsman.
Sinabi ni Remulla, na tinitingnan din nila ang mga taong sangkot sa flood control projects noong nakaraang administrasyon upang matukoy ang pattern kung saan nagsimula ang umano’y anomalya.
Gayunman, nilinaw niya na hindi pa dapat agad ituring na konklusyon ang Davao City bilang sentro ng korapsyon dahil kailangan pa nilang makakuha ng sapat na ebidensya sa ground.