Nakikipag-ugnayan na ang mga lokal na pulisya sa pamunuan ng mga paaralan upang mapahusay ang pagsasagawa ng safety drills sa mga eskwelahan.
Ito’y makaraang ipagpaliban ng Department of Education (DepEd) sa Setyembre ang pagsasagawa ng Nationwide Simultaneous Active Threat Drills sa mga paaralan kasunod ng mga naitatalang insidente ng karahasan.
Ayon kay PNP Chief, Police General Jose Melencio Nartatez Jr., nananatili ang kanilang pangako na makipagtulungan sa DepEd para itaguyod ang isang ligtas na kapaligiran para sa mga mag-aaral
Layon nito na matiyak na mapalakas ang kahandaan habang pinangangalagaan ang kapakanan ng mga bata at guro gayundin para sa kapanatagan ng mga magulang.
Magugunitang nagpahayag ng pangamba ang ilang grupo sa pagsasagawa ng gayung pagsasanay dahil sa posibleng trauma na idulot nito sa mga mag-aaral.
Binigyang diin ni Nartatez, na ang ginawang pagpapaliban ay magbibigay daan sa mga paaralan na maisaayos ang preparasyon at mai-ayon ang pagsasanay sa rekomendasyon ng mga eksperto.