Naglabas ang Department of Budget and Management (DBM) ng ₱1 bilyong pondo para sa University of the Philippines upang palakasin ang AI-powered flood forecasting, real-time hazard monitoring, at disaster prevention capabilities ng Project NOAH.
Layunin ng pondong ito na magkaroon ang pamahalaan ng mas epektibong kagamitan upang makakilos nang maaga bago pa tumama ang mga kalamidad sa bansa.
Ayon sa pahayag ng DBM noong Lunes, nakatutok ang pondo sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na baguhin ang sistema ng disaster management sa bansa — mula sa pagiging “reactive” o pag-aabang ng saklolo tungo sa mas proactive at nakatuntong sa agham at datos na risk assessment.
“Hindi natin kailangang hintayin na tumaas ang tubig bago tayo kumilos. The goal is to know where the danger is, who is at risk, and what needs to be done before disaster strikes,” ani DBM Acting Secretary Kim Robert de Leon.
“This P1-billion investment in Project NOAH is an investment in prevention. We are putting science, AI, and real-time hazard information to work so government can act earlier, communities can prepare better, and more Filipino lives and livelihoods can be protected,” dagdag pa ni De Leon.
Manggagaling ang pondo sa built-in allocation ng UP System sa ilalim ng FY 2026 General Appropriations Act. Mula sa kabuuang halaga:
- ₱935 milyon ang ilalaan para sa research services.
- ₱65 milyon naman ang gagamitin sa general management at supervision ng programa.
Gagamitin ang naturang badyet sa pagbili at paglalagay ng mga information and communications technology (ICT), digital, at scientific gear; pagkuha ng mga specialized technical personnel; at pagpapatayo ng mga kinakailangang operational support system.
Ang Project NOAH (Nationwide Operational Assessment of Hazards), na pinamamahalaan ng UP Resilience Institute, ay gumagamit ng AI-enhanced modeling, Light Detection and Ranging (LiDAR) mapping, at data analytics upang makabuo ng real-time hazard assessments at predictive flood scenarios. Ang mga makabagong teknolohiyang ito ay nakatutulong sa pambansa at lokal na pamahalaan sa paggawa ng tamang desisyon bago at tuwing may emergency.
Binigyang-diin din ni De Leon na ang pamumuhunan sa disaster prevention ay nagpoprotekta sa mga pampublikong pasilidad at pinagkukunang-yaman mula sa malalaking pinsalang dulot ng malalakas na ulan at bagyo.
“The best disaster management is when we are able to prevent disasters from becoming a catastrophe. Every peso we invest in better forecasting and preparedness can help save lives, protect livelihoods, and avoid far greater losses later on,” giit ng kalihim. “We cannot stop typhoons or heavy rains from coming, but with the right information at the right time, we can reduce their impact. That is what we want public funds to deliver, not simply resources after a disaster, but greater protection before it happens.”
Bago ito, nakipagtulungan na rin ang DBM sa UP NOAH upang isama ang mga disaster risk reduction strategy sa kanilang Digital Information for Monitoring and Evaluation (Project DIME) initiative, na nagsusuri sa kahinaan ng mga pampublikong impratraktura laban sa mga natural na panganib.