Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na ipatupad ang isang “whole-of-government” approach upang tulungan ang bayan ng Jose Abad Santos (JAS) sa Davao Occidental na makabangon at muling makatayo mula sa epekto ng kalamidad.
Ayon kay Cabinet Secretary Benhur Abalos, lumalampas na ang administrasyong Marcos sa pagbibigay ng pansamantalang ayuda at nakatutok na ngayon sa pangmatagalang rehabilitasyon. Kabilang sa mga pangunahing prayoridad ang pagbibigay ng trabaho, pangkabuhayan, pabahay, at tulong sa agrikultura upang maibalik ang normal na pamumuhay at pinagkakakitaan ng mga naapektuhang pamilya.
Isinagawa ni Abalos ang kanyang ikalawang pagbisita sa bayan nitong Biyernes, kasama ang 14 na ahensya ng pamahalaan. Ang naturang pagbisita ay kasunod ng una niyang pagtungo sa lugar noong Hulyo kasama sina Public Works Secretary Vince Dizon, Social Welfare Secretary Rex Gatchalian, at Education Secretary Sonny Angara upang matugunan ang agarang pangangailangan ng pamayanan.
Ipinaabot ni Abalos ang mensahe ng Pangulo sa mga residente ng Jose Abad Santos: “Nandito po kami ngayon, ang ating Pangulo ay mahal na mahal kayo… sabi niya ayusin mo ang iba’t ibang departamento para maipakita natin ang pagmamahal ng gobyerno… Ito po ay whole-of-government, ibig sabihin, lahat ng sangay ng gobyerno ay nandito ngayon para tumulong sa inyo. Hindi lang po ngayon, aalalayan kayo hanggang makabangon tayo.”
Sa ginanap na pagbisita, naghatid ang iba’t ibang ahensya ng mga sumusunod na tulong at serbisyo:
- Pabahay at Lupa: Naglaan ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ng 100 modular shelter units, habang nagpaabot naman ang National Housing Authority (NHA) ng cash assistance para sa mga pamilyang tuluyang nasiraan ng bahay. Nag-atras naman ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng troso para sa pagtatayo ng mga tahanan, habang sinusuri ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) ang mga posibleng relocation site.
- Trabaho at Pangkabuhayan: Nagkaloob ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng TUPAD cash-for-work program. Nag-alok ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ng livelihood training para sa mga magsasaka at mangingisda, na tutulungan naman ng Department of Trade and Industry (DTI) sa pagpapakete at pagpapasikat ng mga produkto.
- Agrikultura: Nagbigay ang Department of Agriculture (DA) ng mga alagang hayop, mbento, at seedlings. Namahagi rin ang Philippine Coconut Authority (PCA) ng pagkain at tulong sa 1,200 magsasaka ng niyog.
- Social Protection at Kalusugan: Nagpaabot ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng karagdagang cash assistance sa mga pamilyang naapektuhan ng lindol, bukod pa sa naunang tulong mula sa Emergency Cash Transfer at UPLIFT programs. Nagpatuloy naman ang Department of Health (DOH) sa pagbibigay ng serbisyong medikal at sanitasyon sa mga tent city.
- Edukasyon at Impraspraktura: Nagtayo ang Department of Education (DepEd) ng Learning Continuity Spaces bilang pansamantalang silid-aralan. Nagpatuloy naman ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa paglilinis ng mga ilog at kalsada, habang nagkabit ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ng Starlink internet connectivity sa ilang napiling komunidad.
Binigyang-diin ni Abalos na ang mga interbensyong ito ay dinisenyo upang matugunan ang mga batayang pangangailangan ng bawat pamilya—mula sa pang-araw-araw na pagkain at tirahan hanggang sa pagkakaroon ng tiyak na pangkabuhayan at trabaho.
Inihayag rin ng Cabinet Secretary na susuriin din ng pamahalaan ang pangmatagalang pangangailangan sa rehabilitasyon ng iba pang karatig-bayan tulad ng Glan at Malapatan.
Nagpaabot naman ng taos-pusong pasasalamat si Jose Abad Santos Mayor Jason John Joyce kay Pangulong Marcos at sa Office of the Cabinet Secretary sa walang patid na suporta at tulong upang makabangon ang kanilang bayan.