Nagbabala ang Philippine Postal Corporation (PhilPost) sa publiko laban sa dumaraming scam na gumagamit sa pangalan ng ahensiya upang makuha ang personal at pinansyal na impormasyon ng mga biktima.
Ayon sa PhilPost, kabilang sa modus ang smishing o pagpapadala ng mapanlinlang na text at social media message na nagsasabing may problema sa paghahatid ng parcel.
Kalakip ng mensahe ang kahina-hinalang link na hinihikayat i-click ng biktima para umano maayos ang delivery at makapagbayad ng redelivery fee gamit ang credit o debit card.
Nilinaw ng PhilPost na hindi sila nagpapadala ng ganitong uri ng mensahe at hindi rin sila humihingi ng sensitibong impormasyon gaya ng bank details at one-time password (OTP).
Pinaalalahanan ang publiko na huwag magbigay ng personal na impormasyon, huwag mag-click ng kahina-hinalang link at iwasang magbayad sa mga hindi beripikadong website.