Nasa huling bahagi na ng paghahanda ang Commission on Elections (COMELEC) para sa nalalapit nang kauna-unahang Parliamentary Elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Sa panayam ng programang BOSES sinabi ni COMELEC Chairperson George Erwin Garcia na umarangkada na ngayong araw ang Command Conference sa Maguindanao, na pinangunahan ng COMELEC kasama ang Department of the Interior Local Government, Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, Philippine Coast Guard at iba pang miyembro ng otoridad upang puliduhin ang mga paghahanda sa BARMM elections.
Naging matagumpay din ayon kay COMELEC Chair Garcia ang ginanap nitong Martes na eleksiyon ng dalawang kinatawan ng Non-Muslim Indigenous People o NMIP sa BARMM Parliament na hindi na isasama pa sa gaganaping botohan sa September 14.
Pagdating naman sa gun ban violators ay masayang ibinahagi ng COMELEC na tumatalima ang lahat ng residente dahil nasa 30 lang ang nahuli kung saan maliit na bilang din dito ang nahuli mismo sa mga checkpoint.
Maayos din ang nagiging operasyon ng nasa mahigit 23,000 checkpoints sa buong Bangsamoro Region kung saan walang nagiging ulat na paglabag sa karapatang pantao.
Dagdag pa ni Garcia, na maigting na ipinatutupad sa mga checkpoint ang “plain view” doctrine kung saan hindi maaaring pababain o puwersahing buksan ang alin man sa sasakyan para magsagawa ng pagsisiyasat sa checkpoint.