Umarangkada na ngayong Miyerkules ang simultaneous TranSSSpo Caravan ng Social Security System (SSS) sa Metro Manila para ilapit ang mga serbisyo nito sa transport sector at commuting public.
Sinimulan ito kaninang alas-9 ng umaga sa 45 SSS participating branches at venues sa buong National Capital Region.
Kabilang sa mga serbisyong maaaring ma-access onsite ang SS Number issuance, membership registration, household employer registration, web registration, member data updating, contribution at payment assistance, loan applications, benefit information, inquiries at verification, complaints at counseling.
Maaari ring makakuha ng impormasyon ang mga miyembro tungkol sa mga programa, benepisyo at bagong polisiya ng SSS.
Hinikayat naman ng SSS ang mga miyembro at manggagawa sa transport sector na samantalahin ang serbisyo para mas madaling maasikaso ang kanilang mga SSS concern.

