Hiniling ni Bicol Saro Party-list Representative Terry Ridon sa Office of the Ombudsman na silipin ang posibleng malversation sa umano’y maling paggamit ng Confidential Funds ng Office of the Vice President (OVP).
Ayon kay Ridon, lumilitaw sa mga dokumentong isinumite sa impeachment trial ang pattern ng umano’y pagmamanipula sa accomplishment reports ng OVP.
Kabilang dito ang paulit-ulit na ₱125 million na kabuuang halaga kahit nagbabago ang covered period, lugar at mga line item.
Partikular na binantayan ng prosecution ang ₱16 million na inilaan umano para sa safe house rental at maintenance na lumitaw sa magkakaibang quarter.
Giit ni Ridon, kahina-hinala ito dahil nanatiling ₱16 million ang halaga kahit ₱11 araw lamang ang covered ng 2022 accomplishment report kumpara sa mas mahahabang panahon sa mga sumunod na ulat.
Dahil dito, sinabi ni Ridon na dapat imbestigahan ng Ombudsman ang posibleng pananagutan nina OVP SDO Gina Acosta, dating OVP Security Officer Raymond Lachica at Vice President Sara Duterte.
“Panawagan na rin namin sa Ombudsman na silipin na po nila kung may actual na malversation na na-commit si Ms. Acosta, si Mr. Lachica, at si Vice President Sara Duterte dito sa paggamit po ng confidential funds. Malinaw na talaga, nilaro, pinera itong confidential funds na ito,” diin ni Ridon.