Aabot sa 1,255 sako ng basura at debris ang nakolekta pa ng Department of Environment and Natural Resources-National Capital Region (DENR-NCR) mula sa mga daluyan ng tubig sa Metro Manila kasunod ng mga pag-ulan at pagbaha.
Pinakilos ng ahensya ang Estero Rangers, River Warriors, at mga katuwang na grupo para sa clearing operations sa mga waterways.
Samantala, nakatulong din ang 196 trash-trap sites ng DENR-NCR upang mahadlangan ang pagdaloy ng mga lumulutang na basura sa downstream areas.
Ayon sa DENR-NCR, pansamantalang hakbang lamang ang clearing operations, kaya mahalaga pa rin ang wastong pamamahala ng basura sa pinanggagalingan nito.
Nanawagan ang ahensya sa publiko na itapon nang tama ang basura at huwag itong walisin o itapon sa mga kanal at estero upang maiwasan ang pagbabara at pagbaha.