Photo courtesy of Senate of the Philippines
Pinaalalahanan ni Senate Impeachment Court Presiding Officer Chiz Escudero ang mga abogado ng prosekusyon, depensa, at maging ang mga senator-judges tungkol sa mga dapat ikilos at sabihin habang gumugulong ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ito ay may kaugnayan sa naging mosyon ni Defense Lead Counsel Atty. Sheila Sison noong Agosto 12, kung saan kinuwestiyon nito ang social media post ni Private Prosecutor Atty. Amado Lligutan.
Sa ruling ni Impeachment Court Presiding Officer Escudero, pinaalalahanan nito ang mga abogado ng magkabilang panig na iwasan ang paggawa, pagbabahagi, o pagpapalakas ng anumang public statements na may kaugnayan sa merito ng kaso.
Sa mga kapwa senator-judges, pinaalalahanan ni Escudero ang mga ito na alalahanin ang kanilang sinumpaang tungkulin bilang senator-judges na maging impartial at i-observe ang political neutrality na nakasaad sa kanilang rules.
Hindi rin aniya dapat mag-engage ang mga senator-judges sa anumang aktibidad na maaaring makaapekto sa sub judice rule.
Hindi naman aniya nito pinipigilan ang pag-exercise ng mga senator-judges ng kanilang awtoridad na kwestiyunin ang prosekusyon o depensa, ngunit dapat itong gawin sa loob ng korte, sa loob ng proceedings, at hindi sa pamamagitan ng mga komentaryo sa social media.
Pinaalala rin ni Escudero na sinumang lalabag dito ay maaaring maharap sa reklamo sa Senate Ethics Committee.
Muli ring binigyang-diin ni Presiding Officer Escudero sa prosekusyon at depensa ang nauna niyang suhestiyon na magtalaga ng ibang spokesperson na hindi kabilang sa mga abogado na humaharap o bahagi ng impeachment trial ni VP Sara.
Ayon kay Escudero, kung pananatilihin ng magkabilang panig ang kanilang mga kasalukuyang spokesperson na bahagi ng roster ng kanilang mga abogado, magiging applicable sa kanila ang Rule 18 o ang sub judice rule.
Kabilang sa sakop ng Rule 18 ang mga counsel at prosecutor na pormal nang nag-appear sa impeachment court, gayundin ang mga senator-judge, ang respondent na si Vice President Sara Duterte, at mga testigong tinawag sa paglilitis.
Nilinaw naman ni Escudero na maaaring magsalita ang itinalagang spokesperson ng bawat panig, basta’t hindi siya bahagi ng prosecution panel o counsel para sa mga partido.
Para sa mga lalabag, ipatutupad ng impeachment court ang two-strike rule:
• Sa unang paglabag: Public reprimand at admonition na ilalagay sa permanent record bilang final warning.
• Sa ikalawang paglabag: Multang hanggang P30,000 kada paglabag, alinsunod sa itinakdang ceiling ng rules.
Maaari ring patawan ng karagdagang restriction ang lumabag na abogado o partido sa pagsasalita, pag-object, o pagtatanong sa mga testigo sa floor upang mapanatili ang maayos na proceedings.
Ang bawat kasunod na paglabag ay papatawan din ng P30,000 multa. Samantala, kung abogado ang lumabag, maaaring ipadala ang certified incident record sa Office of the Bar Confidant, Integrated Bar of the Philippines, at/o Supreme Court para sa posibleng disciplinary action laban sa kanyang lisensya.