Ipinauubaya na ng Malacañang sa pasya ng senator-judges kung sapat ang mga lumabas na testimonya sa impeachment trial upang i-convict si Vice President Sara Duterte kaugnay ng kontrobersiya sa confidential funds ng Office of the Vice President (OVP).
Ayon kay Communications Usec. Claire Castro, bagamat sinabi ni dating Special Disbursing Officer na si Gina Acosta, na hindi niya nakita na hinawakan ni VP Sara ang pera, malinaw naman aniya na inamin ng saksi na mismong si Duterte ang nag-utos na ilabas ang buong PhP125 million confidential fund.
Binigyang-diin ng Malacañang na nagpapakita ito ng direct command at control ni VP Sara sa paggasta ng pera ng taombayan, lalo’t siya rin ang nakapirma sa liquidation reports na natuklasang mayroong mga kulang na dokumento.
Hinimok naman ng Palasyo ang impeachment court na ibase sa mga ebidensya at due process ang magiging hatol sa halip na sa pamumulitika, upang maprotektahan ang pampublikong pondo at maibigay ang katarungan para sa taumbayan. | ulat ni Racquel Bayan