Nasa 11 taxi ang hinuli ng pinagsanib na puwersa ng Land Transportation Office (LTO), Philippine Coast Guard (PCG), at Aviation Security Unit sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Complex sa Pasay City.
Ayon kay LTO Chief Markus Lacanilao, kabilang sa mga nasita ang mga taxi na sangkot sa colorum at overcharging.
Isinagawa ang joint operation mula alas-3 hanggang alas-7 ng gabi, kung saan sinita rin ang mga taxi na sangkot sa contracting at pagtangging magsakay o maghatid ng mga pasahero.
Lahat ng nasitang taxi ay inisyuhan ng Temporary Operator’s Permit dahil sa paglabag sa mga kondisyon ng kanilang prangkisa.
Sinabi ni Lacanilao na paiigtingin pa ng ahensya ang pagpapatupad ng mga regulasyon upang maprotektahan ang mga pasahero laban sa panlalamang.
Tiniyak ng LTO na magpapatuloy ang joint operations upang mapanagot ang mga driver at operator na lumalabag sa kanilang prangkisa.