Nasa plenaryo na ng Senado ang panukalang pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) upang isagawa ito sa November 2028, mula sa orihinal na schedule nitong Nobyembre ng taong ito.
Nakapaloob din sa panukala na gawing limang taon ang termino ng mga barangay at SK officials, sa halip na apat na taon.
Sakaling maaprubahan, madadagdagan ng dalawang taon ang termino ng mga incumbent barangay at SK officials.
Gayunman, hindi na maaaring tumakbo sa parehong posisyon sa 2028 BSKE ang mga incumbent na nakapagsilbi na ng tatlong magkakasunod na termino.
Sa kanyang sponsorship speech, hiniling ni Senate Committee on Local Government Chairman Senador Chiz Escudero na agad aksyunan ng Senado ang panukala dahil nakatakda na sanang idaos ang BSKE ngayong Nobyembre at inaasahang magsisimula na sa susunod na buwan ang filing ng certificates of candidacy.
Sa ilalim ng panukala, isinusulong na gawin ang BSKE sa ikalawang Lunes ng November 2028.
Pinaliwanag naman ni Escudero na incidental lamang ang pagpapaliban ng halalan ngayong taon at tiniyak na mananatiling regular at tiyak ang pagdaraos ng halalan. Aniya, mananatili sa mga botante ang kapangyarihang maningil ng pananagutan sa mga opisyal ng barangay.