Giit ni Senador Erwin Tulfo na dapat managot ang mga social media platform sa patuloy na pagkalat ng graphic at marahas na content, partikular ang mga may kaugnayan sa karahasan laban sa mga bata.
Sa isang privilege speech, binatikos ni Tulfo ang Meta, YouTube, TikTok, Instagram, at iba pang platform dahil sa kabiguang maipatupad nang maayos ang kanilang community standards.
Binigyang-diin ng senador ang pagkalat online ng mga larawan at video na may kaugnayan sa pamamaril sa isang high school sa Zamboanga at sa insidente sa Tacloban.
Kinuwestyon niya kung bakit pinapayagang kumalat ang mga larawan ng mga biktima at iba pang disturbing content na maaaring makasama sa mga bata at lumabag sa kanilang dignidad at privacy.
Ayon kay Senador Erwin, hindi dapat gawing entertainment o viral content ang mga krimen at pagdurusa ng mga biktima.
Hindi naman aniya layunin na patahimikin ang social media o hadlangan ang lehitimong pamamahayag, kundi tiyaking responsable ang mga platform sa content na malinaw na lumalabag sa kanilang sariling polisiya.
Iminungkahi ni Tulfo na pag-aralan ang isang batas na magpapataw ng mabibigat na multa o parusa sa mga social media platform na paulit-ulit na nagpapakalat ng ipinagbabawal na content, lalo na ang nagpapakita ng karahasan laban sa mga bata.
Hinamon din ng mambabatas ang mga social media company na patunayan na epektibo nilang ipinapatupad ang kanilang community standards at hindi lamang inilalagay ang mga ito sa kanilang websites. Ayon kay Tulfo, hindi dapat maging kapalit ng kita ng mga platform ang kaligtasan, dignidad, at privacy ng publiko, lalo na ng mga kabataan.