Inaprubahan na in principle ng House Committee on Local Government ang panukalang batas na magpapalawig sa termino ng mga barangay at Sangguniang Kabataan o SK officials sa limang taon.
Pag-iisahin ang limang panukala sa isang substitute bill, na magtatakda rin ng susunod na barangay at SK elections sa ikalawang Lunes ng November 2028.
Ayon kay Committee Chair Aklan Rep. Florencio Miraflores, layunin ng mas mahabang termino na bigyan ng sapat na panahon ang mga opisyal na maipatupad ang kanilang mga programa at mapalakas ang katatagan ng pamamahala sa barangay.
Sa kabila nito, patuloy na tinitiyak ng COMELEC na handa na ito para sa nakatakdang BSKE sa November 2, 2026, kabilang ang mga balota, ballot boxes at iba pang election supplies.
Gayunman, ayon kay COMELEC Deputy Executive Director for Operations Rafael Olaño na maaari itong ipagpaliban sakaling maipasa ng Kongreso ang batas na magpapalawig sa termino ng mga incumbent barangay at SK officials.
Tiniyak naman ng COMELEC na hindi masasayang ang mga na-print nang balota dahil maaari pa ring gamitin ang mga ito sa susunod na BSKE.