Target magpatupad ng Department of Education (DepEd) ng isang hybrid campus security framework para sa pagpapanatili ng seguridad at kaligtasan sa mga pampublikong paaralan sa bansa.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, pagtutulungan ito ng mga school guard, barangay tanod, at ng pulisya gayundin ng mga makabagong surveillance tool gaya ng CCTV.
Layunin nito ani Angara, na tugunan ang kakulangan sa mga security guard sa pamamagitan ng pamamahagi ng tauhan batay sa dami ng mga estudyante at pangangailangan ng bawat campus.
Sa ilalim ng panukala, ang mga maliit na campus na may mababa sa 500 mag-aaral at katamtamang campus na may 501 hanggang 1,000 mag-aaral ay ipinapanukalang magtalaga ng isang security guard.
Aalalayan sila ng mga barangay tanod sa mga oras ng pagpasok at uwian, kasama ang mga boluntaryong miyembro ng Parent-Teacher Association sa mga pintuan ng paaralan.
Samantala, ang mga malalaking kampus na may 1,001 hanggang 3,300 mag-aaral ay lalagyan ng dalawang security guard kasama ang mga tanod ng LGU o barangay para sa perimeter control, at PTA assistance teams para sa crowd at traffic control.
Para naman sa mga napakalaking kampus na may 3,301 hanggang 8,500 mag-aaral at sobrang laking kampus na may 8,501 mag-aaral pataas, magtatalaga ng apat na security guard na palalakasin pa ng mga mobile patrol ng PNP at local security officers ng LGU.
Isasagawa ng DepEd ang pagpapatupad sa dalawang yugto, kung saan uunahin ang mga malalaking paaralan bago isunod ang mga maliit at katamtamang laki ng paaralan.