Sumulat na si QC Mayor Joy Belmonte sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para makapagrekomenda ng mga lugar na maaaring pagtayuan ng mga water storage facility o detention basin na maaaring makatulong sa pag-iwas sa pagbaha sa lungsod tuwing malakas ang ulan.
Ayon kay Atty. Mark Dale Perral, Hepe ng QC Engineering Department, apat na lokasyon ang ang iminungkahi na sa DPWH. Kabilang sa mga lokasyon ang Sto. Domingo Avenue, Matalahib Creek, bahagi ng UERM sa Aurora Boulevard, at Apolonio Samson.
Aniya, kinakailangan ang malaking pondo para sa mga pasilidad, na tinatayang mahigit P1 bilyon bawat isa, kaya’t sa DPWH na ito inirekomenda para sa posibleng pagpopondo at pagpapatupad.
Tinukoy din ni Atty. Perral na nakalinya ang detention basins na ito sa master drainage plan ng pamahalaang lungsod.
Samantala, sinabi ni QC Disaster Risk Reduction and Management Department spokesperson Peachy de Leon na patuloy ang pagsasagawa ng mga training para sa mga barangay para mapalakas ang kanilang kahandaan at pagtugon sa panahon ng sakuna.