Maagang dumating at naghanda ang daan-daang pwersa ng National Capital Region Police Office sa paligid ng Senado sa Diokno Boulevard sa Pasay City.
Ito ay para tiyakin ang seguridad sa lugar ngayong inaasahan ang isang kilos-protesta kasabay ng ika-37 araw ng impeachment trial kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Lt. Col. Hazel Asilo, tagapagsalita ng NCRPO, 350 pulis ang inisyal na naka-deploy sa labas ng Senado, pero posible pa itong madagdagan depende sa sitwasyon.
Nilinaw naman ni Asilo na bagama’t hindi pipigilan ang kilos-protesta ng anumang grupo, papayagan lamang ito sa bahagi ng Diokno Boulevard at hindi pahihintulutan sa mismong harap o gate ng Senado.
Sa ngayon, naka-formation na ang pulisya at inihahanda na rin ang mga barrier at barbed wire.
Dumating na rin ang isang truck na gagamiting entablado ng mga raliyista na may nakasulat na “Impeach Sara Now.”