Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa motibo at kung sino ang nasa likod ng panibagong pananambang sa Lamitan City, Basilan.
Sa ulat ng Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), walo ang sugatan sa insidente, kabilang ang anim na miyembro ng 45th Infantry Battalion ng Philippine Army at dalawang sibilyan.
Nangyari ang pananambang dakong 7:00 PM noong October 8 sa bahagi ng National Highway sa Barangay Sabong, Lamitan City.
Sa inisyal na ulat, pabalik na sa headquarters ng 45th Infantry Battalion sa Tipo-Tipo, Basilan ang mga tauhan ng Division Reconnaissance Company at 45th IB matapos sunduin ang kanilang mga kasamahan mula sa RNR sa Zamboanga City.
Habang binabaybay ang national highway, bigla na lamang silang pinaulanan ng bala ng mga hindi pa tukoy na salarin.
Matatandaang 10 sundalo at isang miyembro ng CAFGU ang nasugatan din sa naunang pananambang sa Barangay Badja, Tipo-Tipo, Basilan noong October 5.