Nanawagan si Energy Secretary Sharon Garin sa mga bansang kasapi ng ASEAN na tiyaking makikinabang ang mga mamamayan sa mga programa at kasunduang panrehiyon para sa mas maaasahan at ligtas na suplay ng enerhiya.
Ito ang binigyang-diin ni Garin sa pagbubukas ng ika-44 na ASEAN Ministers on Energy Meeting, kasama ang mga kaugnay na pagpupulong at ASEAN Energy Business Forum.
Sa gitna ng mga problema sa pandaigdigang suplay ng enerhiya, iginiit ng kalihim na mahalaga ang pagkakaisa at pagtutulungan ng mga bansang kasapi ng ASEAN upang matugunan ang pangangailangan sa enerhiya ng bawat bansa.
Ayon kay Garin, bagama’t mahalaga ang pandaigdigang pamilihan, mas nagiging matatag ang mga bansa kapag nagtutulungan at nagdadamayan.
Itinampok din ng Pilipinas ang ASEAN Power Grid at ang ASEAN Framework Agreement on Petroleum Security bilang mahahalagang hakbang upang palakasin ang koneksiyon ng mga bansa at matiyak ang seguridad sa enerhiya sa rehiyon.
Umaasa naman ang Pilipinas na sa pamamagitan ng mas matibay na kooperasyon ng ASEAN, masisiguro ang tuloy-tuloy na suplay ng kuryente, kabilang ang pagpapanatili ng suplay ng kuryente sa mga ospital at pagbibigay ng mas maayos na pagkakataon sa mga estudyanteng makapag-aral sa gabi.
