Naniniwala ang isang ekonomista na ang dahilan nang paghina ng piso kontra dolyar ay mula sa mataas na importasyon ng bansa.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay Rizal Commercial Banking Corporation Chief Economist Michael Ricafort, sinabi nito na kung patuloy ang ginagawang importasyon ng Pilipinas sa mga produkto na mayroon naman sa bansa ay talagang mas lalong bababa ang halaga ng piso laban sa dolyar.
Ayon kay Ricafort, ang kailangan ng bansa upang maistabilisa ang palitan ng salapi at mapalakas ang piso ay limitahan ang pag-import at palakasin ang lokal na produksyon ng mga pangunahing pangangailangan.
Aniya, dapat tangkilikin ang sariling atin, gamitin ang mga makabagong teknolohiya para sa paggawa, at magkaroon ng mga pagsasanay para sa mga manggagawa upang mapaunlad ang kanilang kakayahan.
Sinabi rin ng ekonomista na bagama’t humina ang piso, tumataas naman ang dollar remittance sa bansa dahil sa mataas na palitan.
Gayunman, apektado pa rin ng inflation ang purchasing power ng bansa dulot nang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.