Pinalalawak ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), sa pakikipagtulungan sa Amazon Web Services (AWS), ang oportunidad para sa mas maraming Pilipino na matuto ng mga digital skill na makatutulong sa kanila na makasabay sa mga bagong oportunidad sa trabaho at sa lumalawak na digital economy.
Sa pangunguna ni TESDA Secretary Kiko Benitez, patuloy na pinalalawak ng ahensya ang mga oportunidad sa pag-aaral at pagsasanay upang matugunan ang nagbabagong pangangailangan ng mga manggagawang Pilipino.
Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa AWS, mas mailalapit sa mga mag-aaral ang mga pagsasanay na kinikilala sa buong mundo sa pamamagitan ng TESDA Online Program (TOP).
Bahagi ang hakbang na ito ng patuloy na pagsusulong ng TESDA sa paglinang ng mga kasanayang naaayon sa pandaigdigang pamantayan. Alinsunod din ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na mabigyan ang mas maraming Pilipino ng kinakailangang kasanayan at oportunidad upang makilahok sa lumalawak na digital economy.