Photo courtesy of Philippine Red Cross
Agad na umaksiyon at nagpagdala na ang Philippine Red Cross ng 17 medical at support personnel sa San Lazaro Hospital upang dagdagan ang tauhan nito kasunod ng pagdami ng mga kaso ng leptospirosis.
Kabilang sa ipinadalang tauhan ang anim na nurse, anim na student nurse, tatlong administrative support volunteer, at dalawang staff mula sa Medical Corps Volunteers–Nursing Team.
Tutulong sila sa mga kawani ng ospital sa pag-monitor ng vital signs ng mga pasyente, pagtala ng intake at output, at pagsasagawa ng mga kinakailangang laboratory test.
Ayon kay PRC Chairperson Richard J. Gordon, nakahanda ang organisasyon na magdagdag ng manpower sa mga ospital na nakararanas ng biglaang pagtaas ng bilang ng mga pasyente.
Sinabi naman ni PRC Secretary General Gwen Pang, na bahagi ang deployment sa tungkulin ng organisasyon na suportahan ang healthcare system ng bansa sa panahon ng mga emergency at pagtaas ng pangangailangan sa serbisyong medikal.
Patuloy na imo-monitor ng PRC ang sitwasyon at makikipag-ugnayan sa San Lazaro Hospital sakaling kailanganin pa ng karagdagang suporta habang nagpapatuloy ang pagdami ng mga pasyenteng may leptospirosis.