Dadalhin ng Social Security System (SSS) ang mga serbisyo nito sa siyam na pamilihan sa Northern Luzon sa pamamagitan ng eWheels Palengke Caravan sa Agosto 28, 2026.
Isasagawa ang information and coverage drive mula alas-8 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon sa mga piling palengke sa ilalim ng SSS Luzon North 1 Division.
Sa abiso ng SSS, kabilang sa mga lugar na pagdarausan ng caravan ang Aringay Market sa Aringay, La Union; Bangued Central Market sa Abra; Public Market sa Abatan, Buguias, Benguet; at iba pang pamilihan sa Ilocos Sur, Ilocos Norte, La Union, at Benguet.
Magbibigay ang SSS ng assistance para sa membership at My.SSS registration, verification ng records at kontribusyon, employer registration, at pagbuo ng Payment Reference Number (PRN).
Maaari ring magpa-assist ang mga pensioner para sa facial authentication na may liveness check bilang bahagi ng Annual Confirmation of Pensioners (ACOP).
Kasama rin sa mga serbisyong ihahatid ang benefit consultation at loan application assistance bilang bahagi ng pagpapalapit ng mga serbisyo ng SSS sa mga miyembro at pensioner.