Nais amyendahan ng Department of Migrant Workers (DMW) ang PhilHealth Law para magkaroon ito ng kinatawan sa PhilHealth Board at direktang maipagtanggol ang interes ng mga overseas Filipino workers o OFWs.
Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, hindi miyembro ng PhilHealth Board ang DMW, kaya kailangan nilang magmungkahi ng amendments sa batas.
Aniya, noong nasa ilalim pa ng Department of Labor and Employment o DOLE ang dating POEA at OWWA, kinakatawan ng DOLE sa PhilHealth Board ang interes ng mga migrant workers.
Ngunit ngayong hiwalay na ang DMW bilang ahensyang nakatutok sa mga OFW, sinabi ni Cacdac na dapat magkaroon din ito ng puwesto sa Board, lalo’t kabilang ang mga OFW sa mga nag-aambag sa PhilHealth Fund.
Sinabi rin ni Cacdac na makikipag-ugnayan sila kay PhilHealth President Beverly Ho upang alamin kung paano maaaring makipagtulungan ang DMW sa PhilHealth para sa kapakanan ng mga OFW.