Tiwala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kaya na ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine National Police (PNP) na resolbahin ang nangyaring komprontasyon sa pagitan ng kanilang mga tauhan sa isang raid sa warehouse ng BOC sa Bulacan, kung saan nakaimbak ang mga nakumpiskang smuggled cigarette.
Ayon kay Communications Usec. Claire Castro, hindi hahayaan ng dalawang ahensiya ng pamahalaan na magkaroon ng hindi kanais – nais na personnel ang kapwa hanay.
“Tiwala po ang Pangulo sa dalawang ahensiya, sa PNP at BOC, na kaya po nilang imbestigahan nang maayos at makatarungan ang nangyari sa pagitan ng dalawang ahensiya.” —Castro.
“Kung kinakailangan aniya na mayroong matanggal sa pwesto dahil sa panga-abuso, dapat lamang itong mangyari.
Nakausap po natin mismo si General Nartatez at iyan po ang isa sa kanilang tinitingnan dahil kung mayroon mang pang-aabuso nga po diumano, kung mayroon man, ay kinakailangan silang managot.” —Castro.
Patuloy pang ini-imbestigahan ang insidente, upang matukoy ang puno’t dulo ng nangyaring komprontasyon.
“So, hindi po hahayaan na ang mga tao na involved kung mayroon man silang kasalanan ay hindi mananagot. So, kailangan silang managot, kung dapat na matanggal sa posisyon ay dapat gawin.” —Castro. | ulat ni Racquel Bayan