Nagpadala ng karagdagang manpower ang Philippine Red Cross (PRC) sa San Lazaro Hospital kasunod ng pagdami ng mga pasyenteng may leptospirosis.
Dalawampu’t dalawang personnel ang idineploy ng PRC ngayong Agosto 26, kabilang ang pitong registered nurses, 13 senior nursing students o underboards, at dalawang support volunteers.
Nagsimula noong Agosto 25 ang deployment ng Medical Corps Volunteers upang tumulong sa patient monitoring at iba pang nursing support sa mga ward.
Sa unang araw ng deployment, 67 pasyente ang natulungan ng mga PRC volunteer bilang karagdagang suporta sa mga healthcare worker ng ospital.
Ayon kay PRC Chairman and CEO Richard Gordon, magpapatuloy ang deployment ng mga volunteer depende sa pangangailangan ng San Lazaro Hospital at sa koordinasyon sa pamunuan nito. Inatasan din ni Gordon ang mga chapter ng PRC sa buong bansa na suriin ang pangangailangan ng mga ospital sa kani-kanilang lugar habang patuloy na mino-monitor ang pagtaas ng mga kaso ng leptospirosis.