Muling tinuligsa ni Kamanggagawa Party-list Rep. Eli San Fernando ang Readycon Trading and Construction Corp. at R-II Builders Inc. dahil sa umano’y pagpigil sa pagpapatupad ng wage increase sa Metro Manila.
Sa pagtalakay sa panukalang 2027 budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH), nausisa ni San Fernando ang mga kontratang nakuha ng dalawang kompanya mula sa ahensya.
Ayon sa DPWH, mula 2016 ay nakakuha ang Readycon ng 174 na kontrata, kung saan 150 ang completed na may kabuuang halaga na nasa ₱9 bilyong.
Ito rin ang kontratista para sa Phase 1 ng EDSA rehabilitation at sinabi nitong nagkaroon ng problema sa isang bahagi ng proyekto dahil sa pag-ipon ng tubig na naging sanhi ng pagkasira ng aspalto.
Samantala, lumabas sa DPWH portal na nasa ₱2.7 bilyong ang halaga ng mga kontratang nakuha ng R-II Builders mula 2021.
Dahil dito, iginiit ni San Fernando na malalaking contractor ang dalawang kompanya at hindi aniya katanggap-tanggap na igiit nilang malulugi sila kung ipatutupad ang dagdag-sahod para sa kanilang mga manggagawa.