Umapela ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa Kamara na imbes na bawasan ay madagdagan pa sana ang kanilang budget para sa emergency repatriation fund.
Ito ang naging panawagan ni OWWA Administrator, Atty. PY Caunan kasunod ng pagdinig sa panukalang budget para sa Department of Migrant Workers (DMW) kung saan kabilang ang OWWA.
Mula kasi sa ₱1.2 billion na pondo na natatanggap ng ahensiya sa loob ng tatlong magkakasunod na taon ay bumaba ito sa ₱900 million sa ilalim ng panukalang 2027 budget.
Ani Caunan, hindi ito sasapat lalo’t patuloy ang pagbabantay ng OWWA sa kaganapan sa iba’t ibang bansa para tumugon sa mga posibleng emergency repatriation lalo kung nasa matinding kaguluhan ang isang lugar kung saan nagta-trabaho ang mga overseas Filipino worker (OFW).
Hirit pa ng OWWA na imbes na bawasan ay sana madagdagan pa ng ₱575 million ang kanilang emergency repatriation fund.
Sa ngayon kasi ay naubos na ng OWWA, ang kanilang regular repatriation budget bunsod ng isinasagawang regular repatriation efforts dahil sa naganap na kaguluhan sa Middle East at ngayo’y umaasa na lang sila sa supplemental funding.