Tiniyak mismo ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na lahat ng nakapaloob ngayong flood control projects sa 2027 proposed National Budget ay science-based at talagang mapapakinabangan.
Ito ang naging pahayag ni Sec. Dizon kasabay ng paggiit na lahat ng flood control projects sa ilalim ng 2027 National Expenditure Program (NEP) ay naka-base sa Project Noah ng University of the Philippines.
Nangangahulugan ito na ang mismong mga proyekto ay totoong idinisenyo upang pigilan ang baha at nakalagay sa totoong flood-prone areas.
Makasisiguro rin na dekalidad at hindi lang basta-basta ang mga bubuoing flood control projects.
Nangako rin ang kalihim na hindi na nila hahayaang maulit ang sitwasyon tulad sa Bulacan na panay pondo ng flood control lamang ngunit walang nangyari.