Umapela ang AGAP Party-list sa pamahalaan na itaas na sa 40% ang taripa sa lahat ng imported na karne na inaangkat ng bansa.
Sa panayam ng programang Ronda Pilipinas sinabi ni AGAP Party-list Representative Nicanor Briones na malaki ang nawawalang kita sa local meat producers ng bansa partikular ang mga nasa pork industry dahil sa mas murang presyo ng imported na baboy.
Ani Briones, imbes kasi na makabawi ang mga lokal na magbababoy ay mas nalulugi pa sila dahil mas pinipili ng mga mamimili ang mas murang imported na frozen meats.
Kinilala naman ng pork producers at meat industry stakeholders ang ginagawang interbensiyon at hakbang ng pamahalaan, ngunit mas makabubuti umano sa kanilang sitwasyon kung maitaas ang taripa upang mas maging patas ang presyo ng imported na karne sa locally-produced meats.
Malaking hamon pa rin kasi sa mga magbababoy ang naging epekto ng African Swine Fever o ASF na bagamat unti-unti nang nalabanan ay may iniwan pa ring epekto sa pork industry.
Nanawagan din ang grupo ng mga magbababoy at iba pang agri stakeholders na mas higpitan pa ng pamahalaan partikular ng National Meat Inspection Service (NMIS) ang pagbabantay laban sa mga imported frozen meat na expired o di kaya’y hindi na ligtas para kainin.