Photo courtesy of Metropolitan Manila Development Authority (MMDA)
Maigting ang isinasagawang koordinasyon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Department of Labor and Employment (DOLE) para sa deployment ng mga TUPAD workers sa mga clean-up initiatives ng MMDA.
Sa panayam ng programang BOSES kay MMDA General Manager, Undersecretary Nicolas Torre III, sinabi nitong binigyan sila ng 10,000 slots para sa TUPAD workers na partikular na tututok sa paglilinis ng mga basura kasama na ang mga kalat sa waterways alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Paglilinaw ni Torre na hindi naman isang bagsakang ide-deploy ang mga TUPAD worker dahil magiging stagerred o utay-utay sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila ang kanilang deployment.
Hindi rin kanya-kanya ang magiging sistema ng TUPAD workers dahil MMDA workers pa rin ang magsu-supervise sa mga ikakasang clean-up activities upang mas maging coordinated at maayos ang paglilinis.
Ilalagay din sa mga lugar na labis na nangangailangan ng paglilinis at waterways cleaning operations ang mga tauhan ng MMDA at TUPAD workers upang mapabilis ang pagtatanggal ng mga basura.